Mariing tinutulan ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP ang pagtanggal ng Department of Public Works and Highways o DPWH sa monumento ni Andres Bonifacio sa West Rembo, Makati City.
Ayon sa NHCP, hindi ipinaalam ng DPWH ang ginawa nitong pag-alis sa nasabing monumento ni Bonifacio para bigyang daan ang dalawang ginagawang road projects sa lungsod.
Iginiit nito, hindi maaaring tanggalin at ilipat ng lokasyon ang anumang national monuments nang walang pahintulot ng NHCP Chairman at kung hindi makatwiran ang dahilan.
Kailangan din anila magkaroon ng konsultasyon sa planong pagtanggal at paglipat ng isang monumento lalo’t kung nagpapa-alala ito sa isang mahalagang pangyayari sa kasaysayan na naganap sa lugar kung saan ito itinayo.
Una nang sinabi ng DPWH na nakipag-ugnayan sila sa lokal na pamahalaan ng Makati bago nila tinanggal ang nasabing monumento ni Bonifacio.
Nangako rin ang DPWH na ibabalik at itatayo ang nasabing ang monumento sa ibang lokasyon bagama’t hindi tinukoy kung saan.
—-