Matagumpay na nailunsad ng pamahalaan ang librong naglalaman umano ng mga hakbang para sa Food Crisis agenda ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na siya ring tumatayong kalihim ng Department of Agriculture (DA).
Ang paglunsad ng libro ay may titulong “Leave Nobody Hungry” na isinulat ni Virginia R. Rodriguez na dating reporter ng Manila Bulletin kung saan, ginanap ang paglunsad sa Manila Ballroom ng Manila Hotel kahapon.
Sa naging pahayag ni Press secretary Trixie Cruz-Angeles, nakapaloob sa naturang libro ang mga makabagong teknolohiya at organikong pamamaraan sa pagsasaka bilang sagot sa kagutuman ng taumbayan.
Ayon kay sec. Angeles na malaki ang maitutulong ng nilalaman ng naturang libro kabilang na ang “Masaganang 150” para mapataas ang ani ng milyun-milyong magsasaka sa bansa.
Samantala, sinabi naman ni Rodriguez na nais niya umanong makatulong sa kasalukuyang administrasyon na masolusyonan ang problema sa kagutuman kaya siya gumawa ng aklat na magiging gabay para mga magsasaka.
Bukod sa “food security”, nakapaloob din sa libro ang paglikha ng maraming trabaho na matagal nang ninanais ng bawat isa upang mapataas ang ekonomiya ng bansa.