Bagsak ang moral ng maraming mga pulis dahil sa paglabas ng sinasabing alternative truth sa labanan sa Mamasapano Maguindanao na ikinasawi ng 44 na miyembro ng SAF o Special Action Force.
Ayon kay dating Senador Panfilo Lacson, marami sa mga opisyal ng pulisya ang nalulungkot kung bakit naglalagay ngayon ng duda sa resulta ng imbestigasyon ng Board of Inquiry (BOI) ng Philippine National Police (PNP).
Gayunman, para kay Lacson mas makakabuti na ring mabuksang muli ang isyu dahil kahit pa may report na ang BOI sa resulta ng imbestigasyon, wala pa namang napapanagot sa pagkamatay ng SAF.
“Nalaman doon sa operation na ‘yun nakuhanan na, exhaustive nga ‘yung ginawang BOI report ni General Magalong at ang kanyang team so kung merong kulang doon eh hindi naman para ma-twist pa ang findings doon kundi kung ano lang ang mga new found evidence, yun na lang siguro.” Ani Lacson.
May hinala si Lacson na konektado sa BBL o Bangsamoro Basic Law ang paglutang ng alternative truth sa Mamasapano incident.
Nakapagtataka aniya na ngayon lamang lumutang ang sinasabing alternative truth na hango sa MILF report gayung matagal nang nakapagsumite ang MILF ng resulta ng kanilang imbestigasyon sa Malaysian government.
Matatandaan na sinasabi sa alternative truth na MILF ang nakapatay kay Marwan taliwas sa BOI report na ang SAF 44.
“Baka nga BBL connected itong declaration na ito dahil medyo nahihirapan maipasa ang BBL lalo pa nga na-release pa on bail pa si Senator Enrile, lalong nahihirapang maipasa dahil lalong hinihimay niya.” Pahayag ni Lacson.
By Len Aguirre | Karambola