Ipinanukala ni Presidential Adviser for Entrepreneurship at Go Negosyo founder Joey Concepcion ang pagluwag ng mga restriksyon sa mga biyahero mula North America.
Ito’y upang mabigyan ng pagkakataon ang mga overseas Filipinos o mga balikbayan na makapagdiwang ng Pasko kasama ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas.
Ayon kay Concepcion, hindi naman kabilang ang U.S. at Canada sa “green list” ng bansa kung saan ang mga biyahero ay kailangang sumailalim sa COVID-19 test matapos ang limang araw sa quarantine facility.
Ang panahon anyang ilalaan sa quarantine ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit ipinagpapaliban ng karamihan sa mga biyahero mula North America ang pag-uwi ng bansa sa Christmas season.
Sa halip binigyang-diin ni Concepcion ang kahalagahan ng pag-test sa mga biyahero mula sa North America bago umuwi at isa pang test sa bahay o quarantine hotel pagdating ng Pilipinas.
Ang panawagan ng opisyal ay ibinase sa datos mula sa Philippine Airlines na nagpapakitang mababa ang positivity rate ng mga biyahero mula North America.—mula sa panulat ni Drew Nacino