Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi pa napapanahon ang pagluluwag sa pagsusuot ng facemask dahil patuloy pang dumarami ang mga severe at critical COVID-19 cases sa Pilipinas.
Ayon kay DOH Officer-In-Charge , OIC Maria Rosario Vergeire, nananatili paring mababa ang vaccination rate sa bansa dahil sa kakaunti ang mga taong nagpapaturok ng COVID-19 booster dose.
Dahil dito, nababawasan o mas lumiliit ang tiyansa ng immunity ng eligible population laban sa virus bunsod ng mataas na bilang ng COVID-19 admission sa mga fully vaccinated individuals.
Gayunpaman, sinabi ni Vergeire na hindi parin nila isinasara ang pintuan ng kanilang ahensya hinggil sa pag-alis ng facemask pero sa ngayon, hindi pa ito ang tamang oras dahil wala pa sa maayos na kondisyon at sitwasyon ang bansa hinggil sa mga kaso ng COVID-19.
Sa kabila nito, nagpaalala si Vergeire sa mga Local Government Units (LGUs)na iprayoridad ang kalusugan ng publiko at gawin ang mabisang paraan upang makaiwas sa virus at maprotektahan ang most vulnerable population laban sa naturang sakit.
Matatandaang naglabas ng executive order ang Cebu City Government para sa “non-obligatory” na paggamit ng face mask sa mga open spaces sa kanilang lugar.
Samantala, sinabi naman ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. Na pumayag na, in principle, ang alkalde ng lungsod na ipagpaliban muna ang implementasyon ng eo at hintaying matalakay ito sa gagawing pagpupulong ng Inter-Agency Task Force (IATF).