Inihayag ni Prof. Jay Batongbacal, Direktor ng UP Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea na sinadya ng China ang umanoy closed distance maneuvering ng barko ng China Coast Guard (CCG) sa Bajo De Masinloc o Panatag Shoal noong Marso 2.
Ayon kay Batongbacal, mas malalaki ang mga barko ng China kung ikukumpara sa ibang barko na naglalayag sa karagatan kaya malaya silang harangin ang galaw ng mga maliliit na barko.
Sinabi ni Batongbacal na dahil malalaki ang barko ng China, iisipin nila na sila ang mayroong right of way kaya dapat na sila ang iniiwasan dahil mas mahirap magmani-obra ang mga malalaking barko.
Hinimok ni Batongbacal ang Department of Foreign Affairs na hindi lamang diplomatic protest ang ihain laban sa China kundi dapat na ireklamo rin ang insidente sa mga Lupong Pandaigdigan gaya ng International Maritime Organization kung saan, miyembro ang China.
Kumpiyansa naman si Batongbacal na ang ginagawang pagmamani-obra ng China Coast Guard ay isang pang-eespiya sa capability building exercises ng bansa makaraang pumasok ito sa Sulu Sea kamakailan kung saan, nagrerecord ang China para aralin ang operasyon at alamin kung ano ang mga procedures at code ng Pilipinas. —sa panulat ni Angelica Doctolero