Pinagbawalan ng Korte Suprema ang Philippine National Police (PNP) na magsagawa ng surveillance sa pamilya ng napaslang na hinihinalang miyembro ng New Peoples Army (NPA).
Naglabas ang Korte Suprema ng permanent protection order sa ilalim ng writ of Amparo para kay Vivian Sanchez, ang biyuda ni Eldie Labinghisa, isa sa pitong hinihinalang miyembro ng NPA na napatay ng PNP sa barangay Atabay, San Jose, Antique nuong August 2018.
Sakop rin ng desisyon ng Korte Suprema ang dalawang anak ni Sanchez.
Batay sa desisyon ng Korte Suprema, malinaw na napatunayan ni Sanchez na regular silang minomonitor ng PNP mula nang kilalanin nya ang labi ng kanyang asawa.
Sinabi ng Supreme Court na malinaw itong paglabag sa karapatan ni Sanchez na mabuhay ng malaya at may seguridad.