Hindi nagustuhan ng ilang mga senador ang naging buwelta ni Pangulong Rodrigo Duterte sa puna ni dating Pangulong Noynoy Aquino hinggil sa ilang usapin sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.
Ito’y makaraang murahin ni Pangulong Duterte si Ginoong Aquino dahil sa pahayag nitong walang nagbago sa kampaniya ng administrasyon nito kontra sa iligal na droga.
Ayon kay Liberal Party President at Senador Francis Pangilinan, hindi kailangang murahin at insultuhin ang isang tao tulad ni dating Pangulong Aquino dahil lamang sa hindi ito sang-ayon sa mga hakbang ng Pangulo.
Para naman kay Senadora Grace Poe, bagama’t istilo talaga ng Pangulo ang pagmumura, hindi pa rin ito nararapat sa pangambang tularan ito ng mga kabataan.
Kaya’t ipinaalala nito sa Pangulo ang rated SPG o Strong Parental Guidance na ipinatupad ng MTRCB sa mga palabas sa sinehan at telebisyon nuong siya pa ang chairman ng nasabing ahensya.
By Jaymark Dagala / (Ulat ni Cely Bueno)