Mariing itinanggi ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang pahayag ng kampo ni US Marine Joseph Scott Pemberton na pinaboran niya ang maagang pagpapalaya dito.
Ayon kay Roque, kasinungalingan ang sinabi ng abogado ni Pemberton na si Atty. Rowena Garcia-Flores.
Ani Roque, kung totoong pumayag siyang maagang palayain si Pemberton sa pamamagitan ng parole ay hindi na ito dapat nakakulong pa hanggang ngayon.
Dagdag ni Roque, hihilingin niya sa House of Representatives na magpalabas ng sertipikasyon na magpapatunay kung talagang dinalaw ni Flores ang kanyang tanggapan noong 2017 kung kailan nagsisilbi pa siyang party-list representative.
Muli namang binigyang diin ng kalihim ang kanyang naunang pahayag na sumisimbolo ang pagkamatay ng transgender woman na si Jennifer Laude sa pagkasawi ng soberenya ng Pilipinas.
Unang sinabi ni Flores na nakausap niya si Roque noong mambabatas pa ito sa isang pulong kasama ang nanay ni Laude kung saan pumayag aniya ang kalihim sa maagang pagpapalaya kay Pemberton sa pamamagitan ng parole.