Hindi kuntento ang pamilya ng hazing victim na si Horacio “Atio” Castillo sa pagkakapatalsik sa walong law students ng University of Santo Tomas na nasangkot sa hazing na ikinasawi ni Castillo.
Kinukuwestyon ni Ginang Carmela Castillo, ina ng biktima kung bakit walo lamang ang napatalsik at kung ano ang aksyong ginawa ng pamunuan ng UST sa mga miyembro ng Faculty of Law na miyembro rin ng Aegis Juris Fraternity tulad ni Dean Nilo Divina at iba pa.
Nag-meeting pa ‘yang Aegis Juris sa hotel para pagtakpan ‘yung pagkamatay ng anak ko. Marami silang dapat sagutin, una ‘yung policy ng UST with regards to ‘yung mga fraternity. Sinabi naman ni Mark Ventura, siya noong mga 2016, naka-encounter siya ng 4 na initiation with hazing, bawala na ‘yun, bakit hindi alam ng UST ‘yan. Pahayag ni Ginang Castillo
Ayon kay Ginang Castillo, bagamat nagpapasalamat sila sa pamunuan ng UST sa pag-aksyon nila sa kaso ng kanyang anak, napakarami pa rin anyang katanungang naiwan sa kanilang mga isipan.
Tiniyak ni Ginang Castillo na hindi sila tumitigil upang tuluyang makasuhan ang mga sangkot sa hazing na ikinasawi ng kanyang anak.
Kabilang dito ang pagpapa-disbar sa mga abogado nang sangkot sa cover-up.
Yung hakbang na ginawa ng ating senador na ibigay sa Supreme Court ‘yung kanilang committee report, parang iniimbestigahan na sila [Aegis Juris] sa kanilang mga disbarment, kasi importante ‘yung disbarment dito sa mga abogado na ito, kasi ano ang kanilang tinuturo sa ating mga kabataan? Napakamali. They participated in a crime. Paliwanag ni Ginang Castillo