Hindi minasama ng mga senador ang pagsasama sa mga mambabatas sa mga pinaiimbestigahan ng Pangulong Rodrigo Duterte sa mega task force na pamumunuan ng Department of Justice (DOJ) hinggil sa isyu ng katiwalian.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, mas maganda na maraming nag-iimbestiga dahil makatutulong anya ito sa trabaho ng Office of the Ombudsman na imbestigahan at kasuhan ang mga tiwali sa gobyerno.
Sinabi naman ni Senate Minority Leader Franklin Drilon na ‘no one is above the law’ kaya’t kahit ang mga senador at kongresista ay maaaring imbestigahan ng task force.
Gayunman, nilinaw ni Drilon na hindi maaaring direktang magsampa ng kasong graft ang DOJ sa Sandiganbayan.
Sa ilalim anya ng anti-graft and corrupt practices act, kailangan dumaan sa pag-apruba ng Ombudsman ang sinumang irerekomemda ng DOJ na kasuhan ng katiwalian.
Ibinigay na halimbawa ni Drilon ang kaso laban kina dating senador Juan Ponce Enrile, Jinggoy Estrada, at Senador Bong Revilla Jr. kaugnay ng ‘pork barrel’ fund scam kung saan ang dating Justice secretary na si Senadora Leila De Lima ang nanguna sa imbestigasyon pero ang nagdesisyon na tuluyan silang kasuhan sa Sandiganbayan ay si dating Ombudsman Conchita Carpio Morales.
Sinabi naman ni Senador Joel Villanueva na medyo naguguluhan siya sa utos na ito ng pangulo sa mega task force.
Ito ay dahil sa baka ‘redundant’ o duplikasyon lang ito sa trabaho ng Ombudsman kung saan ito ang binigyan ng kapangyarihan para mag-imbestiga sa mga tiwaling public official. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)