Asahan na umano ang pagbaba ng presyo ng bigas sa merkado.
Kasunod ito sa desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bawasan ang taripa na ipinapatong sa imported na bigas mula 35% sa 15%.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Secretary Arsenio Balisacan, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang pagtapyas sa taripa ng bigas hanggang 2028 upang bumaba ang presyo nito sa P29 per kilo, partikular na para sa mga mahihirap na pamilya.
Naniniwala rin si House Speaker Martin Romualdez na makatutulong sa pagpapababa ng presyo ng bigas sa merkado ang naging desisyon ng pangulo, kasabay sa patuloy na pagtitinda nito sa Kadiwa stores.
Ang taripa ay ang buwis na ipinapatong ng bansa sa mga produkto at serbisyong inaangkat mula sa ibang bansa.
Napupunta ang nakolektang taripa sa bigas sa Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) na ginagamit sa mga programang nakatuon sa pagtaas ng ani at pagpapalaki sa kita ng mga magsasaka.
Bagamat mababawasan na ang naturang pondo dahil sa pagbaba ng taripa, tiniyak ng House Speaker na hindi dapat mag-alala ang mga magsasaka dahil batay sa datos noong nakaraang buwan, umabot na sa P16 billion ang buwis na nakolekta mula sa inangkat na bigas.
Samakatuwid, mayroong sapat na pondo ang pamahalaan sa RCEF upang patuloy na suportahan at tulungan ang mga Pilipinong magsasaka.
Ayon kay Speaker Romualdez, patunay ang naging hakbang ni Pangulong Marcos sa pangako ng kanyang administrasyon na gawing abot-kaya ang mga pangunahing bilihin para sa bawat Pilipino.