Nanawagan ang isang senador na huwag naman daw sanang sapilitan ang pagbabakuna sa mga OFW sa Hong Kong.
Ito ang inihayag ni senate committee on labor chairman, Senador Joel Villanueva sa harap ng mandatory COVID-19 vaccination plan ng pamahalaan ng Hong Kong para sa mga Pinoy na nagta-trabaho doon.
Ayon kay Villanueva, bagamat hinihimok niya ang lahat na magpabakuna ay dapat pa rin aniyang ipaliwanag muna kung ano ang ituturok at ano benepisyo nito sa kanila.
Giit ni Villanueva, hindi dapat na gawing requirement sa work visa renewal ang pagpapabakuna lalo na kung exempted sa mandatory vaccination ang ibang dayuhang pumapasok sa kanilang bansa.
Kasunod nito, ani Villanueva na malinaw itong uri ng diskriminasyon.
Sinabi pa ni Villanueva na kung oobligahin ang isang OFW na magpabakuna dapat ito ay libre at hindi ibinatay lang sa kanilang immigration status.