Palusot na lang at gawa-gawang dahilan lang.
Ito ang giit ni Senador Sherwin Gatchalian, sa panayam ng DWIZ, sa dinadahilan umanong pagpapataas ng kumpiyansa ng publiko sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) vaccine ng mga alkaldeng nagpabakuna na kahit hindi naman kasama sa priority list na makatanggap nito.
Ani Gatchalian, sa Hulyo pa darating ang bultong bakuna na inilaan para sa publiko kaya’t hindi pa rin naman mababakunahan ang mga ito sa ngayon.
Palusot nalang at gawa-gawa nalang ‘yang dahilan. Kahit na mauna sila, ang publiko hindi naman makakakuha ng bakuna dahil hindi pa dadating ‘yan, July pa,” ani Gatchalian.
Nakadidismaya rin aniyang malaman na mayroong mga artista at kapwa pa ka-serbisyo publiko ang nauna pa aniyang isalba ang sariling buhay kaysa sa mga medical frontliners na mas prayoridad sa pagbabakuna.
Marami tayong mga nurse medical frontliners na nagpa-positive dahil sila ang mga kumukuha ng laway, sila rin ang nagbabahay-bahay at nasa laboratoryo na tumatanggap ng mga contaminated specimen… Madalas na nagmamakaawa na mauna na sila (medical frontliners) sa bibigyan ng vaccine. Nakakadismaya na nakakarinig tayo ng mga artista at mga kapwa serbisyo-publiko na nauuna [magpabakuna].
Samantala, magugunitang ipinabatid din ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Epimaco Densing, sa panayam ng DWIZ, na nanganganib mawalan ng alokasyon ng libreng COVID-19 vaccine ang bansa mula sa Covax facility ng World Health Organization (WHO) dahil sa hindi pagsunod sa listahan ng mga prayoridad na mabakunahan. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais