Upang mapabilis ang recovery, reconstruction, at rehabilitation ng Marawi City sa Lanao del Sur, inilabas ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Administrative Order No. 14 kamakailan lang.
Mapapawalang-bisa nito ang naunang Administrative Orders 3 at 9, series of 2017.
Sa isang hearing kasama ang House of Representatives noong nakaraang buwan, sinabi ni Task Force Bangon Marawi (TFBM) Field Office Manager Felix Castro Jr. na nasira na ang permanent housing projects ng pamahalaan sa Marawi dahil sa delays, informal settlers, at unpaid lot dues.
Kaya naman upang matiyak ang napapanahong pagtatapos ng mga aktibidad at proyekto sa Marawi at sa iba pang mga apektadong lugar, inihain ni Pangulong Marcos ang Administrative Order No. 14.
Sa bisa ng kautusang ito, mabibigyan ng mandato ang mga ahensya ng pamahalaan na makipagtulungan sa local government units (LGUs).
Kabilang sa mga ahensyang inatasan ng Pangulo ang Department of Interior and Local Government (DILG) na magpapanatili sa peace at order sa Marawi at mga kalapit na lugar; Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) na mangangasiwa sa completion ng housing projects; at Department of Public Works and Highways (DPWH) na titiyak sa restoration ng public utilities at re-construction ng public buildings at infrastructure.
Sisiguraduhin naman ng Department of Health (DOH) at Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang health, sanitation, food at iba pang basic needs ng mga residente; samantalang muling bubuhayin ng Department of Trade and Industry (DTI) ang business at livelihood activities sa siyudad.
Para kay Lanao del Sur Rep. Zia Adiong, strategic move ang kautusang ito ng Pangulo dahil mapapahusay at mapabibilis nito ang rebuilding process ng siyudad.
Dagdag pa ni Rep. Adiong, naipapakita ng pagbasura sa mga naunang kautusan at sa pagbuwag sa TFBM ang pagnanais ni Pangulong Marcos na paikliin ang prosesong dinadaanan ng mga proyekto bago ito maipatupad. Matatandaang magiging “functus officio” o mawawalan na ng official authority ang TFBM sa pagsapit ng March 31, 2024.
Dagdag pa ng mambabatas, nangako ang executive at legislative branches na magtutulungan upang masiguro ang efficient rehabilitation ng Marawi.