Tiniyak ni Senador JV Ejercito na bibigyang prayoridad nito ang lumalalang kalagayan ng mga pampublikong health care facilities partikular na ang mga palikuran.
Ito’y makaraang masilip ng World Health Organization (WHO) at ng United Nations International Children’s Emergency Fund (UNICEF) na tatlo sa bawat 10 sa naturang pasilidad sa bansa ay walang malinis na palikuran.
Ayon sa senador, nakapaloob sa kanyang isinulong na universal health care law ang pagpapabuti sa mga health facilities.
Ito’y kahit pa anya dumaan ito sa mahabang debate kung saan may ilang mga senador na iginigiit na dapat ay ukol lamang sa financial assistance ang sentro ng naturang batas.
Dagdag pa nito, hindi aniya magiging matagumpay ang pagbibigay ng pangkalahatang pangangalaga sa kalusugan kung mismong ang mga pasilidad ay hindi angkop para rito.