Hindi umano kasalanan ng mga telecommunication company kung bakit mabagal ang pagba-blast o pagpapadala ng free disaster alert sa mga mobile subscriber.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Ralph Recto, may problema sa proseso kung saan kailangan pang dumaan sa NDRRMC o National Disaster Risk Reduction and Management Council ang disaster alert para sa clearance bago ito maaaring ipadala sa Telcos.
Sinabi ni Recto na mas mapabibilis sana ang proseso ng pagpapadala ng disaster red alert kung hindi na ito idadaan sa NDRRMC, sa halip ay hayaan na lamang ang PAGASA (Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration) kung may bagyo o kaya ang PHIVOLCS (Philippine Institute of Volcanology and Seismology) kung may lindol na direktang makipag -ugnayan sa Telocs para sa dapat ipakalat na disaster alert.
Ang NDRRMC ang otorisadong generator ng disaster alert kaya’t pinapadala ng PAGASA sa operation center nito ang disaster warning, pagkatapos ay dadaan pa ito sa pag-apruba ng executive director ng NDRRMC bago maipadala sa Telcos.
- Meann Tanbio | Story from Cely Bueno