Pansamantalang sinuspinde ng Department of Health (DOH) Region 6 ang pagpapadala ng medical team sa Cebu City.
Kasunod ito ng panawagan ng mga Doctor to the Barrios (DTTB)’s sa DOH na muling pag-aralan ang kanilang ipinalabas na kautusan.
Ayon kay DOH Region 6 Director Marlyn Convocar, hindi pa kasi napagkasunduan ang ilang usapin at alalahanin na inihayag ng mga DTTB’s sa pulong kasama ang Center of Health Development (CHD) director kahapon, Hunyo 29.
Paliwanag ni Convocar, agad na bumuo ng medical team ang DOH Western Visayas CHD matapos na ipag-utos ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagpapadala ng mga karagdagang doktor sa Cebu City bunsod ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 doon.
Binubuo aniya ang grupo ng apat ng batch ng 39 na mga doktor na kabilang sa mga DTTB’s at miyembro ng post residency deployment program.
Sinabi ni Convocar, ipinulong ang unang batch ng mga medical team noong Hunyo 26 kung saan inihayag na rin ang ilan sa kanilang mga concerns at hiniling sa DOH na muling pag-aralan ang naging kautusan nito.