Iminungkahi ni Trade Secretary Alfredo Pascual kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang pagpapadala ng mga guro sa ibang bansa para isailalim sa pagsasanay.
Sa naganap na ikalawang cabinet meeting sa Malacañan, isinulong ang suhestiyon sa gitna narin ng pagtalakay sa pagpapaigting ng education curriculum ng bansa.
Inihalimbawa ng kalihim ang bansang Vietnam, na nagpapadala ng mga guro sa Estados Unidos para sa kanilang advance studies maging ang pag-aalok ng National University of Singapore ng mga kurso na nakatutok sa teknolohiya, kung saan ang mga mag-aaral ay magagawaran ng micro-credential na kahalintulad ng diploma para sa maikling kurso.
Samantala, nabanggit din ng kalihim na tumutulong ang kanilang ahensya sa mga unibersidad, upang magkaroon ng development sa micro-credentialing system at makasabay ang mga ito sa pag usbong ng makabagong teknolohiya.