Pansamantalang ipatitigil ng Pilipinas ang pagpapadala ng migrant workers sa Israel.
Ito ang inihayag ni Labor Secretary Silvestre Bello III dahil sa patuloy na kaguluhan sa naturang bansa.
Ayon kay Bello, magpapatuloy ang proseso ng mga job application kabilang na ang mga dokumento ng 400 Filipino caregivers na nakatakda nang lumipad patungong Israel ngunit hindi muna aniya ito paliliparin sa nasabing bansa.
Ani Bello, makikipag-ugnayan muna sila kay Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. kaugnay sa alert level sa Israel bago magdeploy ng Overseas Filipino Workers (OFWs) doon.
Kitang-kita naman kasi aniya ang panganib dahil sa patuloy at kabi-kabilang putukan doon kaya’t mahirap umanong magpalipad ng OFW sa Israel dahil kaniya itong magiging pananagutan sa oras na may mangyaring masama sa mga ito.
Una rito, nagsagawa na ng repatriation ang ahensya para sa mga Pilipino na naroon na gusto ng umuwi ng Pilipinas.