Mas maraming oportunidad ang magbubukas para sa mga Pilipino.
Ito ang inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ginanap na Philippine Business Forum sa Brunei kung saan niya binigyang-diin ang mga hakbang ng pamahalaan sa pagpapadali sa proseso ng pagnenegosyo.
Ayon kay Pangulong Marcos, masusuportahan ng repormang ito hindi lamang ang paglago ng bansa, kundi ang pagsusulong ng kaunlaran sa rehiyon.
Upang makamit ang layuning ito, hinimok ng pangulo ang malalaking negosyo sa Brunei na gawing pangunahing investment destination ang Pilipinas dahil maganda ang potensyal ng ekonomiya nito at mas pinahusay na ang proseso sa pagtatayo ng negosyo rito.
Halimbawa na lamang ang mas pinasimpleng proseso sa pagbabayad ng buwis at ang pagtatatag ng green lanes para sa mas mahusay at mabilis na pag-apruba ng investments.
Matatandaang naunang sinabi ni Pangulong Marcos na hadlang sa pag-unlad ng bansa ang red tape. Aniya, red carpet at hindi red tape ang dapat ang maging trato sa local at foreign investors na nais magnegosyo Pilipinas.