Red carpet, hindi red tape.
Para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ganito ang dapat na pagtrato sa local at foreign investors na nais magpatayo ng kanilang negosyo sa bansa.
Alinsunod dito, inutusan ni Pangulong Marcos ang economic team ng pamahalaan na bawasan ang red tape at patuloy na itaguyod ang tinatawag na “Ease of Doing Business.”
Tumutukoy ang red tape sa sobrang higpit at daming requirements na kinakailangan upang makakuha ng mga serbisyo mula sa pamahalaan.
Nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act No. 9485 o Anti-Red Tape Act noong June 2, 2007. Kabilang sa batas na ito ang mga hakbang upang mabawasan ang red tape sa pakikipag-transaksyon sa pamahalaan.
May 28, 2018 naman nang pinirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business Law. Pag-amyenda ito sa naunang Anti-Red Tape Act na may layunin ding mapabuti ang sistema at mapabilis ang proseso sa pakikipagtransaksyon sa pamahalaan.
Layon ng Ease of Doing Business Law na manghikayat ng mas maraming micro, small, and medium enterprises (MSMEs) at foreign investors sa Pilipinas sa pamamagitan ng mabilis at maayos na proseso sa pagnenegosyo, kabilang na ang business registration. Sa batas na ito, inaasahang mababawasan ang processing time, red tape, at korapsyon.
Kaugnay nito, matatandaang kamakailan lang, ipinag-utos ni Pangulong Marcos ang nationwide rollout ng assistance sa local government units (LGUs) para sa pagpapatupad ng e-business one-stop shop (eBOSS) program.
Sa eBOSS program, mas magiging madali at mabilis ang proseso sa pagkuha ng mga dokumento sa pagnenegosyo dahil sa digitalization. Ayon nga kay Anti-Red Tape Authority (ARTA) Director General Ernesto Perez, sa pagpapatupad ng eBOSS program, magiging posible ang pagkuha ng business permit sa loob lang ng 20 mins to 1 hour.
Para kay Pangulong Marcos, mahalaga ang pagbabawas sa red tape dahil humahadlang ito sa pag-unlad ng bansa. Dagdag pa niya, hindi na dapat pinapahirapan pa ang mga negosyante at pinapatawan ng malaking buwis. Sa halip, dapat aniyang palakasin ng kanyang economic team ang pagbibigay ng incentives para sa kanila.
Sa pagpapadali ng proseso sa pagnenegosyo, mas maraming investors at entrepreneurs ang mahihikayat na magpatayo ng kanilang negosyo. Inaasahang makalilikha ito ng mas maraming trabaho at makaaambag sa paglago ng ekonomiya ng Pilipinas.