Itinanggi ng Manila Economic Cultural Office (MECO) sa Taiwan na hiniling nila ang pagpapadeport sa Pinay na si Elenel Egot Ordinor –ang Pinay caregiver na bumatikos sa Pangulong Rodrigo Duterte sa social media.
Ayon kay MECO Chief Angelito Banayo, batay sa paliwanag ni Fidel Macauyag, labor attaché’ ng bansa sa Taichung City, batay sa pakikipag-usap nito sa broker ng employer ni Ordinor, ang employer mismo ang may gustong sibakin na sa kanyang trabaho ang Pinay caregiver.
Posible anyang iba ang naging interpretasyon dito ng head office ng Department of Labor kaya’t nagpalabas sila ng press statement hinggil sa deportation ni Ordinor.
Sinabi ni Banayo na sumulat na sya sa Ministry of Foreign Affairs ng Taiwan at humingi ng paumahin.
Binigyang diin ni Banayo na ang solong karapatan ng host country ang desisyon na magpadeport ng dayuhang manggagawa sa kanilang bansa.
Sa kanyang pagkakaalam anya ay wala namang plano ang Malakanyang na kasuhan pa si Ordinor kahit pa makauwi na ito sa Pilipinas.