Tinitignan ng Lokal na Pamahalaan ng Cebu City ang posibleng pagpapaluwag ng face mask restrictions sa lungsod.
Ito ang tinalakay ni Cebu City Mayor Michael Rama sa isang multi-sectoral meeting kasama ang mga stakeholders at ilang opisyal, kung saan iprinisinta dito ang draft ng Executive Order hinggil sa pagtanggal ng panuntunan sa paggamit ng facemask.
Gayunman sinabi ng lokal na pamahalaan na pinaplantsa pa ng mga opisyal at stakeholders ang naturang panukala upang hindi ito magdulot ng COVID-19 surge.
Matatandaang noong Hunyo ay nag-isyu rin ng Executive order si Cebu Governor Gwendolyn Garcia kaugnay sa pag-alis ng face masks, na umani ng kritisismo mula sa mga opisyal ng National Task Force. —sa panulat ni Hannah Oledan