Ipaprayoridad na ng Task Force Bangon Marawi (TFBM) ang reconstruction and repair ng mga mosque sa loob ng Marawi City na labis na naapektuhan ng matinding bakbakan noon sa pagitan ng militar at mga teroristang Maute-Isis group.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development Secretary Eduardo Del Rosario, tututukan na ng task force at ng mga implementing agencies nito ang pagsasaayos ng mga worship places ng mga kapatid na Muslim na nawasak noong maganap ang 2017 Marawi siege.
Ginawa ni Del Rosario ang pahayag makaraang inspeksyunin nito, kasama ang ilang mga kawani ng pamahalaan ang Masjid Disomangcop, White Mosque, at ang Marinaut Mosque.
Pahayag ng kalihim, aabot sa P15.5-M ang kanilang inilaang pondo para sa repair ng white mosque, na inaasahang matatapos sa loob ng anim hanggang walong buwan.
Sinabi pa ni Del Rosario, na galing ang nabanggit na pondo sa donasyon ng mga private developers na kabilang sa housing sector ng bansa.
Samantala, nakatakda naring simulan ang repair and reconstruction ng Grand Mosque at Dansalan Bato Ali Mosque sa mga darating na araw.