Kinalampag ng isang grupo ang tanggapan ng National Telecommunications Commission (NTC) BILANG panawagang ipahinto ang pagpaparehistro ng mga sim.
Ayon sa Grupong Junk Sim Registration Network, maraming nahihirapan sa registration dahil sa kakulangan ng i.d., walang maayos na signal at hindi lahat ay naka-touchscreen phone, bukod pa sa pangamba sa data privacy.
Ayon kay Maded Batara III, tagapagsalita ng grupo, pahamak ang Sim Registration Law dahil nalalagay sa alanganin ang privacy ng isang tao.
Hindi naman umano mababawasan ang cybercrime sa sim registration dahil magbabago lang ang mga modus ng mga scammer o kriminal.
Sa kabila nito, inihayag ng DICT-Cybercrime Investigation and Coordinating Center na nabawasan na ang mga reklamo sa hotline 1326, indikasyong mas nagiging maayos na ang proseso ng sim registration.
Pinaplano naman ng NTC na magpadala ng assisted registration service centers sa mga lugar na mahina o walang signal.
Tiniyak ni NTC officer-in-charge Ella Blanca Lopez na nakikipag-ugnayan na sila sa mga telco upang matutukan ang mga nasabing lugar.