Itinuturing ni Senadora Grace Poe na isang positibong hakbang para maresolba ang usapin sa operasyon ng transport network vehicle service (TNVS) ang ipinalabas na kautusan ng Department of Transportation (DOTr).
Ito ay matapos atasan ni Transportation Secretary Arthur Tugade ang LTFRB na ipatupad ang memorandum circular 2018-005 na nagbibigay pahintulot sa mga hatchbacks na mag-operate bilang TNVS units sa ilang kondisyon.
Pinasalamatan din ni Poe si Tugade sa naging pasiya nito kasabay ng paghimok sa LTFRB at mga drivers at operators ng TNVS na ipagpatuloy ang mga produktibong diyalogo para matugunan ang ibang isyu sa operasyon ng mga transport network company.
Pagtitiyak pa ng senadora, patuloy nilang isusulong ang mga panukalang batas na naglalayong maisaayos ang operasyong ng TNVS sa bansa gayundin ang pagkakaroon ng ligtas at komportableng biyahe ng publiko.