Hinihintay pa ng Philippine Red Cross (PRC) ang pahintulot mula sa pamahalaan kaugnay ng paggamit ng laway para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) test.
Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng PRC, tatlong buwan na ang nakakalilipas nang isumite nila ang panukala hinggil dito.
Batay aniya sa natanggap niyang impormasyon nasa tanggapan na ni Health Secretary Francisco Duque III ang kanilang hiling.
Ani Gordon, nakipag-ugnayan ang PRC sa University of Illinois kung saan unang isinagawa ang naturang pamamaraan ng pagtest.
Gayundin aniya sa UP College of Medicine para sa isinasagawang validation study.
Iginiit ni Gordon, maliban sa mura ang saliva test kumpara sa swab test, mas mabilis din aniya ang pagpapalabas ng resulta nito.
Dagdag ng senador, isinasagawa na rin ang mga saliva test sa ibang bansa tulad ng Singapore, Hong Kong, Thailand at kahit sa Japan.