Idinepensa ng Malakanyang ang pasiya ng pamahalaan na pahintulutan na ang pagsasagawa ng limited face-to-face classes sa mga estudyante sa medisina at iba pang allied health sciences sa piling mga lugar sa bansa.
Kasunod ito ng kumpirmasyon ni Presidential Spokesperson Harry Roque na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng commission on higher education na ibalik na ang in-person classes sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ at MGCQ.
Ayon kay Roque, makikinabang sa nabanggit na pasiya ng pamahalaan ang healthcare system ng bansa sa hinaharap.
Ani Roque, layunin nitong maiwasang dumating ang panahon na maubusan ng mga doktor at allied medical professional ang bansa dahil walang magiging graduates bunsod ng hindi naipagpatuloy na face-to-face classes at training
Una rito, sinabi ng CHED na kinakailangang magsumite ng aplikasyon sa kanila ang mga paaralang nais nang magsagawa ng limitadong face-to-face classes.