Labag sa konstitusyon ng Pilipinas ang pagpapahintulot sa mga Tsino na mangisda sa karagatang sakop ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa sa South China Sea.
Ito ang inihayag ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio matapos naman sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpapatuloy pa rin ang pangingisda ng mga Chinese sa bahagi ng South China Sea na nasa ilalim ng EEZ ng Pilipinas.
Ayon kay Carpio, isinasaad sa konstitusyon na dapat pinoprotektahan at pinapangalagaan ng estado ang mga yamang dagat na nasa loob ng EEZ ng bansa para tanging magamit ng mga Filipino lamang.
Nangangahulugan aniya itong hindi maaaring payagan ng pamahalaan ng Pilipinas ang mga Chinese fishermen na mangisda sa West Philippine Sea na sakop ng EEZ ng bansa.
Iginiit pa ni Carpio, dapat pinangungunahan ng pangulo ang pagbibigay ng proteksyon sa mga yamang dagat na eksklusibo lamang sa bansa sa pamamagitan ng pag-aatas sa sandatahang lakas ng Pilipinas.
Tinukoy din ni Carpio ang ruling ng arbitral tribunal sa the Hague kung saan nakasaad na tanging Pilipinas lamang ang may hurisdiksyon sa EEZ ng bansa sa West Philippines Sea kabilang na ang Recto Bank o Reed Bank.