Nanawagan na ang Pilipinas sa US at China na ipagpatuloy ang dayalogo sa gitna ng pagbisita ni US House Speaker Nancy Pelosi sa Taiwan sa kabila ng marahas na pagtutol ng Chinese Government.
Kasalukuyang nasa Taipei si Pelosi at pinangungunahan ang Congressional Delegation sa Indo-Pacific Region, bilang bahagi ng kanyang high-level meetings sa Singapore, Malaysia, South Korea at Japan.
Matapos bumisita sa Malaysia, dumaan ng Pilipinas ang US Air Force Flight SPAR19 na sinakyan nina Pelosi.
Gayunman, nilinaw ni DFA spokesperson Teresita Daza na walang anumang request ang US Government na mag-stop-over ang delegasyon ng House Speaker sa Pilipinas.
Patuloy anya nilang mino-monitor ang sitwasyon at mahalaga ring matiyak ang pagpapatuloy ng pag-uusap ng Amerika at Tsina upang maiwasan ang anumang gulo sa Indo-Pacific Region.
Magugunitang nagbanta ang China na maglulunsad ng Military Operations sa Strait of Taiwan kung tatapak ng Taiwan si Pelosi, na pinaka-senior U.S. Government official sa bumisita sa nasabing isla sa nakalipas na dalawang dekada.
Ikinababahala ng Pilipinas ang nasabing sitwasyon, lalo’t katabi lamang nito ang Taiwan na mayroong sea border sa Northern Luzon.