Tuloy-tuloy lamang ang pagtatrabaho ng Department of Health (DOH) para mapahusay pa ang kanilang pagtugon sa problema sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.
Ito ang tiniyak ng ahensiya sa kabila nang mababang ranking na nakuha ng Pilipinas sa Lancet Medical Journal hinggil sa pakikipaglaban ng pamahalaan sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, patuloy lamang sila sa pagtatrabaho para labanan ang COVID-19 at pangalagaan ang buong populasyon, kahit ano pang komento at rankings ang kanilang matanggap.
Batay sa Lancet Medical Journal, nasa ika-66 na puwesto ang Pilipinas mula sa 91 mga bansa pagdating sa usapin ng pagtugon at pagsugpo sa COVID-19.
Partikular na binanggit na dahilan ng Lancet Medical Journal ay ang medical populism ni Pangulong Rodrigo Duterte o ang pagmamamaliit sa epekto at solusyon o gamot sa COVID-19.