Muling ipinag-utos ng National Telecommunications Commission (NTC) sa mga Regional Director nito at mga Telcos na palakasin ang mga hakbang kontra fake job text scams.
Ito, ayon kay NTC commissioner Gamaliel Cordoba, ay dahil patuloy na nakatatanggap ang publiko ng mga pekeng job text at kahalintulad na scams.
Nanawagan din ang NTC sa DITO Telecommunity, Globe Telecoms at Smart Communications na magsagawa ng text blast sa kanilang subscribers simula kahapon hanggang July 11.
Layunin nito na bigyang babala ang mga subscriber laban sa mga naglipanang text na nag-aalok ng pekeng trabaho kapalit ng malaking sweldo.
Inatasan din ang Telcos na i-block ang sim cards na ginagamit sa fraudulent activities at paigtingin ang public information campaign para bigyang kaalaman ang publiko laban sa mga scam.