Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga ahensya ng pamahalaan na palakasin ang kanilang mga pagsisikap upang labanan ang online sexual abuse and exploitation of children.
Mayroong sariling kakayahan ang bawat ahensya ng pamahalaan, at nais ni Pangulong Marcos na gamitin nila ito upang mapuksa ang online child sexual abuse sa bansa.
Halimbawa na lang dito ang Department of Justice (DOJ) na inatasan ni Pangulong Marcos na tutukan ang prosecution laban sa mga taong sangkot sa pang-aabuso; habang binigyan ng direktiba ang law enforcement agencies na i-crack down ang mga salarin.
Samantala, hihikayatin ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lokal na pamahalaan na magpasa ng mga ordinansa na makatutulong sa reporting at monitoring.
Pinalalakas naman ni Pangulong Marcos ang pakikipag-ugnayan ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga pribadong sektor, partikular na sa telecommunications companies, upang matulungan ang mga alagad ng batas sa pagtunton sa mga salarin.
Para kay Pangulong Marcos, “unFilipino” o wala sa kultura ng mga Pilipino ang ganitong uri ng gawain. Kaya hangad ng pangulo, maging legacy ng kanyang administrasyon na tuluyan nang mawala ang anumang kaso ng pang-aabuso sa mga bata na dapat nating pinoprotektahan at inaalagaan.