Tiniyak ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na paiigtingin nito ang police visibility sa gitna ng mga napaulat na insidente ng pagdukot at pagpatay sa bansa.
Sinabi ni DILG Chief Benhur Abalos na inatasan na niya si Philippine National Police Chief Gen. Rodolfo Azurin Jr., na magsumite ng report kaugnay sa mga napaulat na krimen.
Gayunman, lumalabas aniya na ilan sa mga naturang kaso ay luma nang insidente at pinagmumukhang bago.
Paliwanag ng Interior Secretary, mahirap na magkomento nang hindi pa nabeberipika ang mga ito.
Binigyang diin naman ni Abalos ang kahalagahan ng Barangay Forces tulad ng Barangay Anti-Drug Abuse Councils at Peace and Order Councils bilang “multiplier factors” sa pagpapaigting ng presensya ng mga otoridad.