Pagpapaigting ng testing, tracing at quarantine.
Ito, ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos ang pinakamahahalagang hakbangin para maresolba ang pagsirit ng kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa partikular sa Metro Manila.
Sinabi sa DWIZ ni Abalos na nagpasaklolo na siya kay testing czar Vince Dizon para ma-test ang mga nasa National Capital Region (NCR) sa pamamagitan ng Philippine Red Cross.
Nakisuyo rin aniya sya kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Benny Florece para naman sa tracing aspect kung saan itatalaga sa mga LGU ang mga desk officers ng Philippine National Police (PNP).
Ipinabatid pa ni Abalos na puspusan na rin ang paghanap nila ng mga quarantine facilities tulad ng mga hotel.
Bukod sa tatlong ‘to, nire-review pa namin ang policy, kaya siguro these coming days magmi-meeting kami, kasi tatlo lang ‘yan, ang sabi ng DOH at DILG —number 1 ang komunidad mo, bahay mo; number 2 ang trabaho mo, kung saan ka nagtatrabaho; at pangatlo ‘yung tinatawag na transportasyon, kung papunta ka, kung saan ka pupunta. Ito ‘yung tatlo na napakaimportante. Of course may iba pa, baka pumunta ka pang palengke, mamasyal ka pa… pero ‘yung binabanggit ko, itong tatlo ang pinaka-essential na dapat ireview ulit maigi, ang regulasyon, ang protocols nito, nasusunod ba o hindi,” ani Abalos. —sa panayam ng IZ sa Alas Sais