Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na pahusayin ang cybersecurity measures ng bansa, kaugnay sa pagtaas ng kaso ng cybercrime sa huling quarter ng 2023.
Sa ginanap na palace briefing, ibinahagi ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda na nais ni Pangulong Marcos na sanayin ang mga tauhan ng ahensya at mag-invest sa teknolohiya upang matugunan ang mga banta sa cybersecurity at cybercrime.
Kaugnay nito, plano ng DILG na magtatag ng National Cybercrime Training Institute, ayon kay Sec. Benjamin Abalos Jr.
Matatandaang batay sa 2023 Asia Scam Report, Pilipinas ang naitalang may pinakamataas na shopping fraud rate.
Ayon kay Gen. Acorda, ang most common cybercrime mula July 2022 hanggang January 2024 ay estafa (15,000 cases); unauthorized access (4,800); identity theft (2,300); online defamation (2,000); at credit card fraud (2,000).