Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang pagdagdag ng parusa sa mga ospital at klinika na nagpapabayad ng cash deposit o advance payment bago tanggapin ang mga pasyente.
Ito ay ang House Bill No. 5159 na naglalayong paigtingin ang emergency health care service at pagbabawal ng cash deposit sa mga ospital pagdating sa emergency cases.
Sa ilalim ng panukala, responsibilidad ng naka-duty na doktor o medical staff na alamin kung emergency o nasa seryosong kondisyon ang pasyente.
Sakaling hindi tumugon sa batas, mula sa dating P20,000.00, pagbabayarin ang tumangging hospital personnel ng P100,000.00 hanggang P300,000.00 o maaaring makulong ng 6 buwan hanggang 2 taon.
Kung naging batayan naman ang polisiya ng ospital, mula sa P100,000.00, makukulong ang hospital officer ng 4 hanggang 6 taon o pagmumultahin ng P500,000.00 hanggang P1-M na maaaring ibigay ng Korte sakaling lumala ang kondisyon ng pasyente.
By Meann Tanbio