Inaalam na ng pamahalaang lungsod ng Marikina ang mga lugar kung saan nila isasagawa ang pagbabakuna kontra COVID-19.
Ito’y ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro makaraang kumpirmahin nito na nakapagtapos na ng kanilang pagsasanay ang una sa limang batch ng mga COVID-19 vaccinators.
Ayon sa alkalde, dalawang araw aniya ang itinagal ng pagsasanay upang malaman ang kanilang medical eligibility ng mga Marikeño na kanilang paglilingkuran.
Maliban sa pagtukoy ng mga lugar kung saan idaraos ang pagbabakuna, sinabi ni Teodoro na pinag-aaralan na rin ng lungsod ang pagpapakalat ng mobile vaccine carrier upang maiwasan ang pagkukumpulan sa mga vaccination center na kanilang matutukoy.
Sa ngayon ani Teodoro, mayroon na silang 5 medical – grade refrigerators na kayang makapag-imbak ng nasa 35,000 hanggang 40,000 doses ng bakuna kontra COVID-19. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)