Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na walang ligal na batayan para isailalim sa kanilang kustodiya ang SUV driver na suspek sa pag-hit-and-run ng isang guwardya sa Mandaluyong City dahil sa kawalan ng warrant of arrest.
Ipinaliwanag ni PNP Spokesperson, Col. Jean Fajardo na wala na sa kanilang control kung magkakaroon ng out-of-court settlement ng biktimang si Christian Floralde at suspek na si Jose Antonio San Vicente.
Hindi na anya ito subject for warrantless arrest dahil mahabang panahon na ang lumipas simula nang mangyari ang insidente.
Sa kabila ng kawalan ng warrant of arrest, iginiit ni Fajardo na nangako si Atty. Danilo Macalino na ang suspek na si Jose Antonio San Vicente ay haharap sa mga kaso at sasagutin ang mga akusasyon laban sa kanya ngayong araw.