Dagsa ang mga mananampalatayang Katoliko sa mga simbahan para sa pagsisimula ng mga Semana Santa o Mahal na Araw.
Sinimulan ang banal na linggong ito sa pamamagitan ng pagbabasbas ng mga palaspas bilang paggunita sa maringal na pagpasok ni Hesukristo sa Herusalem na siyang katuparan ng mga hula ni Propeta Isaiyas.
Pinangunahan ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang pagbabasbas ng mga palaspas sa Manila Cathedral kaninang umaga.
Sa kaniyang homiliya, binigyang diin ng kardinal na ang mga semana santa ay hindi lamang pagkakataon para magbakasyon kung hindi para pagnilayan ang ginawang pagpapakasakit, pagkamatay at muling pagkabuhay ng dakilang mananakop.
“Kapag ikaw ay mag-shoshopping, maraming gustong sumama sayo. Kapag ikaw ay mag-googood time kakain sa masarap na restaurant, ang daming sasabit. kapag ikaw ay magbibigay ng P2,000, ang daming pupunta sa iyo. pero pag may nagbigay ng P3,000, iiwanan ka pupunta sa P3,000. Eh papaano na kung ang magaaya sa iyo? halika sumama ka sa kalbaryo samahan mo ako sa krus, may sasama ba?” Pahayag ni Cardinal Tagle.
Muling binigyang diin ng kardinal na pagnilayan ng mga mananampalataya ang pagiging mapagpakumbaba at igalang ang sinuman kahit iyong mga nakasakit ng kaniyang kapwa.
“Ang ating Messias hindi nagmamataas kundi nagpapakababa. Titingan natin ang Messias na nagpapakababa susunod ba tayo? Parang mas attractive sundan yung nagpapakataas humahanap ng pagsikat. kapag kumapit ka doon, sikat ka rin. Eh pero kapag siya ay nagpapakababa susunod ba tayo? kasi pati tayo ibaba ka rin susunod ba tayo?” Ani Tagle.
Palaspas sandata sa karahasan at kamatayan — Bishop David
Hinikayat ni Caloocan Bishop Pablo Virgilio David ang mga mananampalataya na huwag mawalan ng pagasa sa kabila ng mga nangyayaring karahasan sa bayan.
Ito ang mensahe ng obispo nang pangunahan nito ang linggo ng palaspas na pagsisimula ng semana santa sa San Roque Cathedral sa Caloocan kaninang umaga.
Ayon kay David, isa aniyang magandang paalala ang palaspas na siyang ginamit sa pagsalubong kay hesus nang pumasok ito sa herusalem na may pag-asang dapat na hintayin upang matubos sa kasalanan ang sangkatauhan.
“Sa mga nasisiraan ng loob, ang palaspas ay pampalakas loob iwinawagayway nila para sabihin mayroon higit pang bokal na naghihintay sa ating lahat. Pero sa dulo ng landasin kailangan matuyo din ito at muling maging abo.” Pahayag ni Bishop David.
Binigyang diin pa ni Bishop David na ang pagharap ni hesus sa kamatayan at karahasan ay dapat na maging inspirasyon ng bawat isa para harapin ang lahat ng kasalukuyang problemang nararanasan ng lipunan.
“Sa mga natatakot na dumanas ng pagdurusa at kamatayan, huwag talikuran ang pagdurusa’t kamatayan ang Kristyano ang alagad ay matapang. Wala siyang ibang huwarang ng katapangan kundi ang Panginoong Hesukristo na humarap sa kaharasan ng kalaban upang ipaglaban ang kapayapaan.” Ani Bishop David.
Publiko hinimok na magnilay at malangin ngayong Semana Santa
Hinimok ng Simbahang Katoliko ang publiko na magnilay at manalangin sa kasagsagan ng Semana Santa.
Ito, ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ay sa kabila ng pagiging okupado sa trabaho.
Hinikayat din ni Bishop Pabillo ang mga katoliko na makibahagi sa mga aktibidad at programa ng simbahan ngayong kuwaresma.
Iwasan na rin muna aniya na gawing pagkakataon ang Holy Week break para magsaya at magbakasyon, bagkus ay gamitin ito bilang panahon ng pag-aayuno at pagbabalik-tanaw sa mga nagawa sa buhay.
Samantala, pinangunahan naman ni Manila Archbishop Cardinal Luis Antonio Tagle ang misa ng linggo ng palaspas sa Intramuros sa maynila kaninang umaga.