Ipinag-utos ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapalabas ng allowance para sa mga empleyado ng gobyerno na nagvo-volunteer mag trabaho sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) swabbing center at test results processing facilities sa bansa.
Nakasaad sa inisyung Administrative Order 31 ng pangulo na kada empleyado ng gobyerno ay makakatanggap ng COVID-19 duty allowance na P500.000 kada araw bukod sa maximum na 25 percent ng monthly basic salary (MBS) nito habang nasa quarantine period.
Ang maximum na 25 % ng MBS ay prorated base sa bilang ng mga araw na ang isang tauhan ng gobyerno ay naka-deploy sa designated facility sa kasagsagan ng quarantine period.
Ang pagbibigay ng COVID-19 duty allowance ay epektibo mula sa pagsisimula ng operasyon ng mega swabbing facilities at iba pang swabbing at test results processing facilities.
Kabilang sa apat na mega swabbing centers ay nasa Palacio De Maynila Sa Pasay City, Enderun tent sa Taguig City, Mall Of Asia Arena sa Pasay City at Philippine Sports Stadium sa Philippine Arena Sa Bulacan.
Nilinaw sa direktiba na ang mga tauhang dapat makatanggap ng hazard pay at iba pang kaparehong benepisyo ay patuloy ding makakatanggap nito o kung ano ang mas mataas.