Idinipensa ng Department of Interior and Local Government o DILG ang pagpapalabas nila ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA ng dalawandaan at pitong (207) pangalan ng mga opisyal ng barangay na sangkot umano sa iligal na droga.
Sa panayam ng DWIZ, iginiit ni DILG Assistant Secretary Epimaco Densing III na dumaan sa masusing beripikasyon mula sa apat na intelligence ng pamahalaan ang inilabas nilang ‘narco-list’.
Sinabi ni Densing na ang mga naturang opisyal ay nakatakda nilang kasuhan sa tanggapan ng Ombudsman.
“’Yun ang pagkakaiba, kung ikaw ay public official at ikaw ay pribadong indibiduwal, ‘yung pribado hindi mo basta-bastang puwedeng pangalanan kasi meron silang right to privacy, ‘yung mga halal may responsibilidad sila na dapat maganda ang kanilang uri ng pamumuhay, hindi sila sangkot sa questionable na pamumuhay at kinikita.” Ani Densing
Samantala, nanawagan naman sa publiko si PDEA Director General Aaron Aquino sa publiko na makipagtulungan sa kanilang tanggapan kung may nalalaman sa aktibidad ng mga opisyal ng mga barangay na isinasangkot sa iligal na droga.
Ito aniya ay para mapalakas pa ang mga ihahaing ebidensya laban sa mga tiwaling opisyal ng pamahalaan.
“Hindi biro kasing maglagak ng mga ebidensya laban sa mga ito lalong-lalo na kung ikaw ay isang protektor, sabi ko nga kung hindi ka namin mabira sa concrete evidence o material evidence ay bibirahin ka naman namin sa financial investigation, mas mahaba-habang investigation ito.” Pahayag ni Aquino
(Ratsada Balita / Balitang Todong Lakas Interview)