Pinag-aaralan na ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na magpalabas ng kautusan na magpapahintulot sa importasyon ng 150,000 metriko tonelada ng asukal sa kalagitnaan ng Setyembre.
Sinabi ito ni SRA Acting Administrator David Alba kasunod ng rekomendasyon ni Pangulong Bongbong Marcos upang mapatatag ang suplay at presyo ng asukal sa merkado.
Ayon kay Alba, itatakda nila sa Setyembre ang importasyon upang hindi makasabay sa pagsisimula ng operasyon ng mga tubuhan sa Nobyembre.
Noong Martes, unang sinabi ni Executive Secretary Vic Rodriguez na nagkasundo si Pangulong Marcos at ang SRA na hatin sa industrial at consumption use ang aangkating asukal.
Bilang solusyon na rin ito sa shortage ng asukal sa bansa, dahil sa mga nasirang tubuhan bunsod ng mga nagdaang bagyo.