Pinuri ng isang mambabatas ang naging pasiya ni Pangulong Rodrigo Duterte na magpalabas ng P1-bilyon para matugunan ang African Swine Fever (ASF) outbreak sa bansa.
Ayon kay Magsasaka Party-list Representative Argel Cabatbat, pinatunayan ng naging hakbang ng pangulo na kinilala nito ang pangangailangang pinansiyal ng mga magbababoy na nalugi dahil sa pagkalat ng ASF.
Una nang sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na inaprubahan na ng pangulo ang hiling ni Agriculture Secretary William Dar na magamit ang nalalabi pang contingency fund ng Office of the President (OP) bilang pambayad sa mga naapektuhang magbababoy.
Kasabay nito, nanawagan naman si Cabatbat sa mga kinauukulang ahensiya ng pamalaan na paigtingin pa ang pagpapatupad ng mga hakbang para mapigilan ang pagkalat ng nabanggit na sakit sa baboy.
Partikular aniya rito ang mahigpit na pagbabantay laban sa pagpasok ng imported na karneng baboy at mga pork products.