May nakikitang sabwatan si Senate Minority Leader Franklin Drilon hinggil sa ginawang pagpapalabnaw ng kaso laban kay CIDG Region 8 Director Supt. Marvin Marcos at iba pa na sangkot sa pagpatay kay dating Albuera Mayor Rolando Espinosa.
Ito ang dahilan ayon kay Drilon kaya’t isusulong niya ang administrative proceedings laban sa mga opisyal ng Department of Justice sakaling mai-akyat at mapatunayan ng Korte Suprema na may pang-aabuso ng kapangyarihan sa panig ng DOJ.
Ngunit sa ngayon, sinabi ni Drilon na maaari pang i-akyat sa Court of Appeals ang naging desisyon ng Baybay City Regional Trial Court hinggil sa pagpapalabnaw ng kaso at pagpayag nito na makapag-piyansa ang grupo ni Marcos.
Sakaling hindi pa rin maging paborable ang desisyon hinggil dito ng Appellate Court, sinabi ni Drilon na iyon na ang pagkakataon para sa Pamilya Espinosa na humingi ng saklolo sa Korte Suprema at tiyak na malilinawan ang mga usaping bumabalot dito.
By: Jaymark Dagala / Cely Bueno