Tiniyak ni presidential aspirant at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at vice presidential bet Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na palalakasin nila ang mga programang pang-agrikultura sa Mindanao.
Ito’y upang magsilbing food basket ng bansa ang Mindanao at makatulong sa muling pagbangon ng rehiyon mula sa pagkalugmok ng ekonomiya dulot ng Covid-19 pandemic.
Ayon sa BBM-Sara uniteam, dapat lamang na maging sentro ng kalakalang pang-agrikultura ng Pilipinas ang Mindanao lalo’t malaking bahagi ng kabuuang lupain sa rehiyon ay pawang agricultural.
Bagaman itinituring anilang isa sa pinakamahirap na isla sa bansa ang Mindanao, ito naman ang maituturing na pinakamayaman, pagdating sa natural resources kaya’t dapat lang na pagyamanin, palakasin at gawin itong food basket.
Itinuturing na malaki ang potensyal na maging food basket ng Pilipinas ang Mindanao dahil 40% ng pangangailangan sa pagkain sa bansa ay nagmumula sa “Island Region.”