Ilan sa mga prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang two-day state visit sa Vietnam ang pagpapalakas sa ugnayan ng dalawang bansa sa agrikultura, trade and investment, at maritime security.
Matatandaang dumating si Pangulong Marcos sa Vietnam nitong Lunes ng hapon, January 29, upang pabutihin ang bilateral cooperation sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Spokesperson Teresita Daza, makikipagpulong si Pangulong Marcos kina Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh at Vietnamese National Assembly Chairperson Vuong Dinh Hue upang pag-usapan ang iba’t ibang isyu, kabilang na ang pagkakaroon ng maritime deal na mas magpapaigting pa sa kakayahan ng coast guards ng dalawang bansa.
Bukod dito, nakatakda ring pahusayin ng dalawang bansa ang kanilang kooperasyon sa agrikultura at trade and investment.
Samantala, nakipagkita ang Pangulo sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Vietnam upang magpaabot ng pasasalamat sa kanilang sipag at tiyaga na nagbibigay ng magandang reputasyon sa bansa.