Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Philippine National Police (PNP) na mas maging strategic sa pagkuha ng communications equipment upang mas mapalakas ang interoperability nito sa mga operasyon.
Sa ginanap na unang PNP Command Conference, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang pangangailangang magtatag ng isang mahusay na sistema ng komunikasyon sa PNP, partikular na sa disaster response.
Pinatitiyak din ni Pangulong Marcos kay PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr. ang plano sa pagpapahusay ng communications capacity.
Nakaprograma sa ilalim ng Capability Enhancement Program (CEP) ang procurement o pagkuha ng equipment sa PNP.
Ayon sa PNP, naantala ang pagkuha nila ng mga kagamitan dahil sa mga isyu sa Terms of Reference. Gayumpaman, target nilang makumpleto ang procurement para sa CEP 2023 at 2024 ngayong taon.
Kaugnay nito, nagbigay ng direktiba ang Pangulo sa PNP na pag-aralan ang paggamit ng iba pang communications equipment.