Tututukan ng pamunuan ng Philippine National Police o PNP ang aspetong pangkalusugan ng bawat miyembro ng kanilang hanay.
Iyan ang inihayag ni PNP Chief P/Gen. Guillermo Eleazar kasabay ng inaasahang paglakas at pagdami ng kanilang puwersa sa pamamagitan ng pinaigting na recruitment.
Ayon kay Eleazar, maliban sa nararanasang pandemiya ng COVID-19, kinakailangan ding patatagin ang well being ng bawat Pulis.
Lalo pa aniya’t sunud-sunod na namang lumalabas ang mga Pulis na hindi kinakaya ang dinadalang problema na siya namang nagtutulak sa kanila para gumawa ng krimen.
Katunayan, nais niyang itaas ang rangko ng mga nasa PNP Health Service simula sa Commander nito na gawing Major General upang pataasin ang kanilang morale at magkaroon ng career growth kapalit ng kanilang sakripisyo.
Giit ng PNP Chief, maliban sa pagpili ng mga karapat-dapat at natatanging Pulis, kailangang pakatutukan din ang kalusugang pangkaisipan at pangangatawan ng mga Pulis na napapagod din dahil sa mahabang pagganap sa tungkulin ngayong nasa krisis ang bansa.